Cauayan City, Isabela- Nakiusap ang ilang motorista na payagan silang makapasok ng poblacion area sa Lungsod ng Santiago pero hindi ito umubra sa pamunuan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng General Community Quarantine Guidelines dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Planning Officer Richard Valenzuela, may ilang mga residente ang walang naipakitang quarantine pass sa kabila ng ipinatutupad na GCQ kaya’t minabuti nilang hindi patuluyin ito sa poblacion.
Dagdag pa niya, may ilang konsiderasyon naman silang ginagawa gaya nalang ng kahit dalawa ang sakay sa motorsiklo ay kanila itong pinapayagan dipende sa kadahilanan at dokumentong maipapakita.
Kaugnay nito, nasampolan naman ang ilang pribadong sasakyan na galling sa ibang bayan dahil mayroon din sinusunod na araw kung kalian maaaring pumasok sa Lungsod.
May isa pang PWD ang nakipagmatigasan sa mga enforcer dahil wala itong maipakitang quarantine pass at tanggal na plaka ang kanyang ginagamit na pampasaherong tricycle.
Habang wala namang maipakitang kahit anong dokumento ang magpapatunay na Senior Citizen ang isang ginang.
Paliwanag naman ng DPOS, may odd at even numbers na sinusunod sa pamamasada ng mga tricycle at mayroon din nakatakdang pasahe.
Nagpapatuloy pa rin ang pagmamando ng DPOS sa mga motorista upang masigurong ligtas ang lahat sa nakamamatay na sakit.