Pinalalagyan ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento ng special provision sa ilalim ng 2021 budget ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig para sa 2021 budget ng DPWH, nagmosyon si Sarmiento na lagyan ng special provision ang 2021 budget ng ahensya kung saan 10% ng pondo nito ay ilalaan sa lilikhaing item para sa COVID-19.
Ang item na ito ay para naman sa job generation ng mga napauwing OFWs at mga Locally Stranded Individuals (LSIs).
Sinabi naman ni DPWH Secretary Mark Villar na nauna rito ay mayroon na silang inilabas na order para gamitin ang mga local workers at humihikayat ng job generation sa mga OFWs at LSIs para sa lahat ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program.
Suportado naman ng kalihim ang mosyon ng kongresista upang mabigyan ng hanapbuhay ang mga nawalan ng trabaho at magtuloy-tuloy ang pagbangon ng ekomoniya.
Sa pagsisimula naman ng budget hearing ng DPWH, inako ni Appropriations Chairman Eric Yap ang sisi sa nangyaring girian sa pagitan ng mga kongresista dahil sa hindi pantay na alokasyon sa mga infrastructure projects sa mga distrito.
Matatandaang nabitin noong nakaraang linggo ang budget deliberation ng ahensya matapos na kwestyunin ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves ang DPWH sa hindi patas na pondo sa mga infra projects ng mga kongresista.