
Buong pwersa ang ibubuhos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtulong matapos ang nangyaring pagtama ng magnitude 7.4 na lindol sa Davao Oriental.
Iyan ang pahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon nang bumisita siya kasama sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, at Mindanao Development Authority Chairperson Leo Magno sa nabanggit na probinsya.
Ayon kay Dizon, sila’y magbibigay ng immediate relief sa mga probinsya na naapektuhan ng nagdaang lindol.
Ilan sa mga ito ang pagbuo ng medical tents at evacuation sites habang sinisimulan na rin ang assessment ng iba pang public structures tulad ng mga paaralan at ospital sa Davao Oriental.
Samantala, kanila ring inassess ang mga national road sa Davao Region kung saan lumalabas na maaring daanan ito ng publiko sa kabila ng lakas ng pagyanig.
Ngunit may nakitang sira ang DPWH sa ilang mga local roads dulot ng ilang landslide kasunod ng lindol.
Dahil dito ay ipinaubaya na ng ahensya ang ilang quick response assets nito sa mga provincial government para mapabilis ang clearing operations.









