
Natuklasan sa pagdinig ng budget sa senado na mayroon ding anomalya sa mga farm-to-market roads ang DPWH.
Maliban sa mga flood control project ay may anomalya rin ang ahensya sa mga farm-to-market roads kung saan ang end user ay ang Department of Agriculture (DA) lalo na ang mga magsasaka para sa paghahatid ng mga ani at mga produkto.
Sa 2024 National Budget ay nabatid na overpriced ng P10.3 billion ang mga farm-to-market roads na matatagpuan sa Tacloban City, Camarines Sur, Bulacan, Eastern Samar, at Daraga, Albay.
Lumalabas na P15,000 lang ang benchmark na halaga pero overpriced ng P348,000 kada metro ang ipinagagawang kalsada.
Puna ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na sobra-sobrang overpriced ang proyekto at ito ay malinaw na korapsyon.
Inirekomenda ni Gatchalian na tapyasan ng 30% ang P16 billion na pondo para sa farm-to-market roads sa ilalim ng 2026 budget ng DA.









