Hinimok ni Public Works Committee Chairman Senator Ramon Bong Revilla Jr., ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paghandaan ang pagpasok ng bagyong Betty na may international name na “Mawar”.
Inaasahang ngayong darating na weekend ay papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang nasabing bagyo.
Pinatitiyak ni Revilla sa DPWH ang integridad ng mga pampublikong imprastraktura gayundin ang kaayusan ng bawat tulay, daan at gusali.
Ipinasasama rin ng senador sa mga dapat ayusin bago dumating ang bagyo ang mga poste na maaaring tumumba, mga billboard na maaaring bumagsak at mga lumang imprastraktura na dilapidated at maaaring pagmulan ng mas malaki pang disgrasya.
Pinaghahanda rin ang ahensya sa emergency repairs pagkatapos ng bagyo upang agad na maibsan ang epekto ng kalamidad.
Pinasisiguro naman ni Revilla sa DSWD na secured at sapat ang mga ipapamahagi na relief packs sa mga biktima ng bagyo.
Tinawag din ng mambabatas ang pansin ng ibang ahensya, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Office of Civil Defense (OCD) at mga Local Government Unit (LGU) na silang unang reresponde sa mga lugar na dadaanan ng malakas na bagyo.