DPWH, hinihimok ang publiko na agad i-report sa kanila ang mga nakikitang problema sa mga pangunahing kalsada

Hinihimok ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang publiko na agad na ireport sa kanilang tanggapan ang mga nakikitang sirang kalsada.

Sa inilabas na pahayag ni DPWH Secretary Mark Villar, ito’y para mabilis na maiayos ang problema at hindi magsakripisyo ang publiko.

Ayon pa kay Villar, gagawin ng kaniyang tanggapan ang lahat sa abot ng kanilang makakaya para masolusyunan ang anumang isyu sa mga pangunahing kalsada sa bansa.


Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa 24/7 hotline ng DPWH sa numerong 16502 o kaya sa kanilang social media platforms para matugunan ang anumang concern sa mga pangunahing kalsada.

Bagama’t tinututukan ng mga tauhan ng Regional at District Engineering Offices ang mga nangyayari sa pangunahing kalsada sa bansa, malaking bagay pa rin ang tulong ng publiko sa pagmomonitor dito.

Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng mga nagawa nilang solusyon sa inireport ng ilang concerned citizens hinggil sa problema sa ilang pangunahing kalsada sa National Capital Region partikular sa Oroquieta Street at Aurora Boulevard sa Sta. Cruz, Manila; Novaliches-San Jose Road sa Caloocan City at ang lubak-lubak na parte ng C-5 road na dinadaan ng mga malalaking truck.

Facebook Comments