Manila, Philippines – Tinatapos na lamang ng Department of Public Works and Highways ang assessment sa isinagawang vulnerability inspection ng mga imprasktrutura sa Metro Manila upang malaman kung mayroong kakayahan ang mga ito na makatagal sakaling tumama ang malakas na lindol.
Ayon kay Assistant Director Visna Maño ng Bureau of Maintenance ng DPWH, una na silang nagsagawa ng inspeksyon noong Hunyo 22 hanggang ngayong araw kung saan kasali sa mga nainspeksyon ay ang mga kalsada, mga tulay at maging ang fault line.
Sa naturang inspeksyon, sinusuri ang structural integrity ng mga imprastruktura, upang matiyak ang kahandaan nito sakaling lumindol.
Bagamat wala pang final reports, ilan umano sa mga gusali dito sa Metro Manila ay kinakitaan ng mga depekto.
Sa mga susunod na linggo ay nakatakdang isumite sa Malacañang ang final report, at assessment kaugnay sa integridad ng mga imprastruktura at saka pa lamang makagagawa ng hakbang ang pamahalaan para maisaayos ang mga kinakitaan ng depekto.
Kaugnay nito, ayon kay Maño, bago matapos ang taon, inaasahan rin na magsasagawa ng ikalawang inspeksyon ang DPWH kung saan partikular namang pagtutuunan ng pansin ang mga national at school buildings.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558