Gumagawa pa ng mga karagdagang isolation facilities ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao Airport para sa mga dumarating na pasahero.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, may 400-bed capacity kapag ganap nang matapos ang ginagawang isolation facility.
Mahigpit na ipinatutupad ng Davao Local Government Unit (LGU) ang health protocols sa Davao International Airport kung saan bawat flight passengers na walang 48-72 hour Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) o swab test negative result mula sa kanilang pinanggalingan ay sasailalim sa swab test pagdating ng Davao City.
Noong August 20, una nang nagtayo ang DPWH Task Force at Regional Office 11 ng Modified Health Facility tents sa Davao Airport bilang pansamantalang tutuluyan ng mga pasahero at locally stranded individuals (LSIs) hangga’t hindi pa lumalabas ang kanilang swab results.
Pagtitiyak pa ni Villar na tatapusin din ng DPWH sa buwan ng Oktubre ang iba pang healthcare facilities sa lungsod.
Kabilang dito ang isang isolation facility sa Panacan na mayroong 40 beds capacity at isang 32-bed dormitory facility para sa medical frontliners ng Davao Southern Philippines Medical Center.