Muling ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang ilang bahagi ng EDSA kasunod ng isinagawang round-the-clock na rehabilitasyon nito noong nagdaang Semana Santa.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagsasaayos ng EDSA nang hindi inaabot ng dalawang taon ang proyekto.
Kabilang sa mga ininspeksyon ng kalihim ang southbound ng Magallanes Flyover, gayundin ang bagong aspalto at lane markings sa kanto ng Taft Avenue sa Pasay City.
Nabatid na natapos na ang Phase 1 ng rehabilitasyon, na dalawang buwan na mas maaga sa itinakdang iskedyul.
Kaugnay nito, inihahanda na rin ng DPWH ang bidding para sa Phase 2 ng proyekto na sasaklaw mula Orense sa Makati hanggang Monumento sa Caloocan.
