Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi sila ang nagtatapon ng maruming tubig sa Manila Bay.
Nabatid na kabilang ang tubo ng DPWH na sinelyuhan ng Department of Environment and Natural Resoruces (DENR) dahil sa iligal na paglalabas ng untreated waste water.
Pero sa pahayag ng DPWH, ang mga iligal na tubo na nakakonekta sa kanilang drainage system ang naglalabas ng maruming tubig sa Manila Bay.
Kaya’t dahil dito, kanilang aayusin ang nasabing problema upang hindi na maglabas pa ng maruming tubig ang kanilang tubo.
Bukod sa DPWH, sinelyuhan din ng DENR ang mga tubo ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at Philippine Navy.
Kaugnay nito, iinspeksyunin ng DENR ang estado ng Manila Bay partikular sa may Harbour Square para matiyak na wala ng maruming tubig na itinatapon ang tatlong ahensiya.
Aalamin din nila kung may ibang tubo pa ang naglalabas ng maruming tubig sa Manila Bay na hindi sumusunod sa environmental law.