Pinagsasagawa ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng risk assessment sa mga malalaki at pangunahing tulay sa bansa.
Ginawa ng senadora ang hirit sa gitna ng pagbagsak ng mga tulay matapos ang pinsala ng Bagyong Paeng.
Agarang ipinasasailalim ni Legarda sa retrofitting ang mga luma at may depektong mga tulay.
Kaugnay rito ay nagpapondo si Legarda ng P300 million para sa pagtatayo ng bagong tulay matapos bumagsak ang Paliwan Bridge sa Antique.
Matapos na masira ng Bagyong Paeng ang malaking bahagi ng Paliwan Bridge ay agad nakipagpulong ang senadora kay DPWH Secretary Manuel Bonoan at sa mga taga-DPWH Region 6 para mabigyan ng alokasyon sa ilalim ng 2023 budget ang konstruksyon ng bagong tulay.
Ikinatuwa ng mga Antiqueño ang mabilis na pag-aksyon ni Legarda para matiyak ang alokasyon ng pondo at agarang konstruksyon ng bumagsak na tulay dahilan para maging isolated ngayon ang Antique.
Paliwanag ni Legarda, mayroong pondo na ginagamit sa retrofitting ng Paliwan Bridge dahil luma na itong tulay pero dahil sa paghagupit ng Bagyong Paeng tuluyang nasira ang malaking bahagi nito kaya kailangang isalalim sa repair o reconstruction.