DPWH Sec. Mark Villar, wala umanong kinalaman sa flood control scam – Kamara

Manila, Philippines – Nilinaw ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., na walang kinalaman si DPWH Sec. Mark Villar sa mga kwestyunableng flood control projects sa Bicol Region.

Ayon kay Andaya, base sa mga naging testimonya ng mga resources persons mula sa DPWH regional at district offices sa Bicol sa isinagawang imbestigasyon noong nakaraang Linggo ng House Committee on Rules, lumalabas na may sabwatan sa pagitan ng mga DPWH senior officials at kay Budget Sec. Benjamin Diokno.

Pero, duda si Andaya na may kinalaman dito ang Kalihim ng kagawaran.


Aniya, posibleng blind-sided si Sec. Villar sa ginagawa ng mga DPWH officials na sangkot sa flood control.

Dahil dito, umapela si Andaya kay Villar na tulungan ang Kamara na alamin ang mga nasa likod ng maanomalyang flood control scam.

Sa pagsisiyasat din ng Kamara kaugnay sa bilyong proyekto na flood control scam sa Bicol lumutang din ang paggamit ng dummy contractors ng Aremar Construction na napagalamang pagmamay-ari ng mga balae ni Diokno.

Nagbabala pa si Andaya na aalamin ng Kamara ang ugat sa pagbuhos ng mga flood control projects sa mga lugar na hindi naman binabaha at hindi prayoridad gayundin ang hindi pagsunod ng DBM sa regulasyon ng DPWH sa alokasyon sa mga proyekto.

Facebook Comments