Nananatili sa walong mga senador pa rin ang nakalagda sa draft report ng senate blue ribbon committee ukol sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
11 sa mga miyembro ng komite ang kailangang lagda para maipresenta ang draft report sa plenaryo ng senado para pagdebatehan at aprubahan.
Bukod sa chairman ng komite na si Senator Richard Gordon ay kabilang sa walong lumagda sina Senators Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Ping Lacson, Kiko Pangilinan, Leila de Lima, Manny Pacquiao, at Minority Leader Franklin Drilon.
Ang ibang mga senador ay hindi pa pumipirma dahil pinag-aaralan pa daw ang nilalaman ng 113 pahinang report kung saan inaakusahan si Pangulong Rodrigo Duterte ng betrayal of public trust dahil sa umano’y pagtatanggol sa mga sangkot sa kontrobersya.
Nakapaloob din sa report ang rekomendasyon na kasuhan ng plunder si Health Secretary Francisco Duque lll, mga naging opisyal ng procurement service ng Department of Budget and Management at mga opisyal ng Pharmally.