Nag-uwi ng karangalan sa bayan ng Mapandan si Idol Marlo T. Romuar matapos siyang tanghaling Overall Champion sa PCT China Beginner Drag Race Pilipinas 2025 na ginanap sa Tagum City, Davao del Norte.
Sa nasabing pambansang kompetisyon, hinarap ni Romuar ang mga mahuhusay na drag racers mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Ipinamalas niya ang kanyang bilis, husay, at disiplina na naghatid sa kanya sa tagumpay.
Sa kabila ng matinding hamon at pressure ng paligsahan, nanatiling matatag ang kanyang pokus at determinasyon hanggang sa makamit niya ang pinakamataas na parangal sa nasabing event.
Sing-tayog din ng kanyang narating ang natanggap nitong tropeo na tila aabot sa limang talampakan, kung saan nakaukit din ang pangalan ng kanyang grupo.
Ang kanyang panalo ay nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataan ng Mapandan at patunay na sa sipag, tiyaga, at paniniwala sa sariling kakayahan, posible ang tagumpay kahit sa pambansang antas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










