Cauayan City, Isabela- Pinapayuhan ang sinumang drayber at mga pasahero ng GD36 na Florida Bus na makipag-ugnayan na sa DOH sa pamamagitan ng kanilang emergency hotline na 0917- 659-6959.
Kinumpirma ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa isinagawang press conference ngayong araw ang bus na sinakyan ng 44 taong gulang na lalaki o tinawag na ngayong PH275 na nakatalaga sa BFP Sta. Mesa, Manila na kauna-unahang nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Lambak ng Cagayan.
Ang PH275 ay nasa seat number 30 ng Florida Bus, GD36 na umalis noong Marso 10, 2020 ng alas 8:00 ng gabi sa Sampaloc, Manila at dumating sa Tuguegarao City noong Marso 11, 2020 ng alas 7:00 ng umaga na mismong araw din na dinala ito sa Divine Mercy Wellness Center at inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) matapos na makaranas ng hirap sa paghinga.
Una siyang napabilang sa mga Patient Under Investigation (PUI) ng CVMC hanggang sa nag-positibo ito sa COVID-19 base na rin sa pagsusuri ng DOH sa Research Institute on Tropical Medicine sa Maynila.
Nabatid naman na ang traysikel driver na naghatid sa PH275 sa brgy Caritan Norte ay taga Brgy. Cataggaman Nuevo, Tuguegarao City na ngayon ay nasa maayos na kalagayan ayon na rin kay Mayor Soriano.
Kaugnay nito, patuloy ang contact tracing ng mga kinauukulan sa drayber at mga nakasamang pasahero ng PH275 na pinapayuhan rin mag-home quarantine hanggang Marso 25, 2020.