Sa pamamagitan ng inquest proceedings, nasampahan na ng kasong Qualified Theft ang suspek na kinilalang si Jaypee Agbayani, 28 taong gulang, may asawa, truck driver, residente ng Brgy. Rizaluna, Alicia, Isabela.
Habang ang biktima nito ay ang mismong amo na si Armando Ordinario, negosyante, at residente naman ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, araw ng Miyerkules nang mapag-alaman ng biktima na hindi nakarating sa ginagawang bypass road sa brgy. Nungnungan II ang ipinadeliver nitong lupa na ikinarga sa kulay green na Dump Truck na may plakang RLP 212 na minamaneho naman ng suspek.
Nakatanggap na lamang ng tawag ang biktima mula sa kanyang secretary na nakita umano nito sa isang tindahan ang suspek na malapit sa kanilang gasoline station sa brgy. Del Pilar, Alicia, Isabela.
Nang matanggap ang impormasyon ay agad na humingi ng tulong ang biktima sa 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company at sa mga opisyal ng barangay Del Pilar, at Rizaluna, Alicia para mahuli ang suspek.
Nasundan pa ang suspek na sakay ng motorsiklo patungo sa brgy. Rizaluna hanggang sa tuluyan itong naaresto.
Lumabas din sa imbestigasyon ng pulisya na nabahura sa maputik na kalsada ng Brgy Amobocan dito sa Lungsod ng Cauayan ang dump truck na may kargang lupa na tinangay ng suspek.
Ayon pa sa ating nakuhang impormasyon mula sa PNP, ibebenta sana umano ng suspek ang idedeliver nitong lupa sa Bayan ng Angadanan subalit nalubog ang truck sa maputik na kalsada ng Amobocan kaya hindi ito agad nakarating sa target na pagbebentahan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa suspek na nasa himpilan ng pulisya, tatlong araw pa lang siya na truck driver ng kanyang amo at itinanggi nito ang umano’y pagnanakaw dahil wala naman umano siyang intensyon na ibenta ang idedeliver sanang lupa.