DRAYBER NA NAHULI SA UMANO’Y PAGNANAKAW, PINALAYA

Pinalaya na sa kustodiya ng Cauayan City Police Station ang drayber ng truck na hinuli dahil sa umano’y pagnanakaw ng manok sa isang poultry farm sa barangay Marabulig 2, Cauayan City, Isabela.

Sa ating nakuhang impormasyon sa himpilan ng pulisya, dinismiss ng piskalya ang kasong Theft na isinampa kay Gilbert Dorupan, 28 taong gulang, binata, residente ng Brgy. Dibinan, Jones, Isabela.

Hindi umano nakitaan ng partisipasyon si Dorupan sa alegasyon ng Farm Manager na si Robert Tabadero kaugnay sa isinampa nitong reklamo na pagnanakaw.

Matatandaan na gabi nitong Miyerkules, nang ipaaresto sa mga pulis si Dorupan at helper nitong si Ryan Fernandez, 20 taong gulang, binata at residente ng Ramon, Isabela matapos umanong sumobra ang bilang ng mga manok na ikinarga sa dalawang scoop bagay na itinanggi naman ng mga suspek.

Ayon sa driver ng Forward Truck na si Dorupan, nagpapahinga raw ito sa harapan ng sasakyan nang magkarga ang kanyang helper.

Samantala, nakatakda ring makalaya pansamantala mula sa lock-up cell ng PNP Cauayan si Fernandez dahil inaayos na lamang ang kanyang pagpi-piyansa ng halagang P6,000.

Facebook Comments