Drayber ng Bus sa Isabela, Arestado sa Pagbebenta ng Iligal na Droga

72

Cauayan City, Isabela- Nakatakdang sampahan ng kaso ngayong araw ng PNP Cauayan sa pamamagitan ng inquest proceedings ang isang drayber matapos mahuli sa pagbebenta ng illegal na droga.

Ang suspek na kinilalang si Dan Andrada, 36 taong gulang na residente ng brgy Callao, Alicia, Isabela ay matagal na umanong binabantayan ng PNP Cauayan dahil sa paulit-ulit umano nitong pagpupuslit ng ipinagbabawal na gamot.


Dakong alas 7:00 kagabi partikular sa SM Cauayan Terminal nang ikasa ng kapulisan sa pangunguna ni PMaj Gary Macadangdang ang drug buybust operation laban sa suspek na nagresulta naman sa kanyang pagkakaaresto.

Ito’y matapos makabili ang isang poseur buyer sa suspek ng dalawang (2) sachet ng hinihinalang shabu.

Nakuha pa sa pag-iingat ni Andrada ang limang (5) sachet ng hinihinalang shabu, isang (1) piraso ng limang daang piso, isa (1) pang piraso ng limang daang piso na boodle money, dalawang (2) unit ng cellphone, isang (1) pitaka at isang unit ng pampasaherong bus.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang kakaharapin ng suspek.




Facebook Comments