*KALINGA*- Mahaharap ngayon sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide at Multiple Physical Injuries ang drayber ng pampasaherong jeep na nahulog sa bangin kahapon sa Sitio Binalagan, Dao-angan, Balbalan, Kalinga na ikinasawi ng labing apat na senior citizen at dalawampu’t limang sugatan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Provincial Director PSSupt. Alfred Dangani ng PNP Kalinga, Kinilala ang tsuper ng jeep na si Francisco Gumaad Jr. kung saan galing umano sa Poblacion, Balbalan ang jeep pauwi sa kanilang barangay matapos kumuha ng pension ang mga pasahero nitong mga Senior Citizen.
Aniya, base sa ulat ng mga sugatan ay mayroon umano silang kasalubong na sasakyan sa pababa at pakurbang bahagi ng daan kayat huminto muna ang jeep upang padaanin ang kanilang kasalubong.
Nang makalampas na umano ang sasakyan ay bigla na lamang bumulusok ang jeep at namatay ang makina kaya’t nawalan ng control at dumeretso na sa bangin.
Ayon pa kay Provincial Director Dangani, nasa umano’y singkwentang pasahero ang laman ng jeep at kasali sa mga sugatan ang drayber nito.
Paalala naman ni PD Dangani na suriing mabuti ang mga gagamiting sasakyan bago bumyahe upang maiwasan ang anumang aberya gaya ng aksidente.
Samantala, Nakahanda na rin ang kanilang pamunuan sa papasok na bagyong Ompong dito sa Northern Luzon.