Drayber ng Motor, Patay; 1 Sugatan Matapos Ma-Hit and Run!

180

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang drayber ng motorsiklo habang sugatan ang 9 anyos na backrider nito matapos ma-hit and run ng hindi pa matukoy na trailer truck dakong alas 10:50 kagabi sa pambansang lansangan sa bahagi ng Brgy. Sinippil, Reina Mercedes, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na drayber ng Suzuki Raider 115 na walang plaka na si Jeffrey Belgado, 35 anyos habang ang angkas nito ay nakilalang si Miguel Belgado na kapwa residente ng Brgy. Dangan, Reina Mercedes, Isabela.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabaybay ng mga biktima nag lansangan patungong South direction at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay biglang nasalpok ng sumusunod na Trailer truck ang sakay na motorsiklo ng mga biktima.

Sa tindi ng pagkakabangga sa motorsiklo ay tumilapon sa lansangan ang dalawang sakay nito na nagresulta sa kanilang matinding pagkakasugat sa ulo at katawan.

Naisugod pa sa pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ang drayber ng motorsiklo.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon at hot pursuit operation ng pulisya laban sa suspek na drayber ng trailer truck.

Facebook Comments