DREAM, umapela kay PRRD na huwag aprubahan ang prangkisa ng SPBC

Posible umanong magresulta sa kawalan ng pagbabago at pagpapabuti sa serbisyo ng kuryente sa bansa sa sandaling pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Mega Franchise Bill” na ipinagkaloob ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Solar Para sa Bayan Corp o SPBC.

Ito ang babala ng Developers of Renewable Energy for Advancement, Inc. o DREAM, ang asosasyon ng developers ng iba’t-ibang  renewable energy projects, gaya ng Philippine Solar Power Alliance, Biomass Renewable Energy Alliance, Philhydro Association, Inc. at iba pa.

Sa ipinadalang liham ng DREAM kay Pangulong Duterte, umapela ang grupo na tanggihan o huwag lagdaan ang ipinasang House Bill no. 8179 o SPBC Franchise Bill.


Giit ng DREAM mawawala ang malayang kumpetisyon at hindi masusulosyunan ang pagtaas sa singil ng kuryente kapag naaprubahan ang nabanggit na prangkisa.

Paliwanag ng grupo, hindi na ito kailangan sapagkat wala namang kahit isa man sa DREAM members ang may pinanghahawakan pang ‘congressional franchise’ para mag-develop ng mini-grid systems.

Una na ring umalma ang iba pang independent power producers at organisasyon sa anila ay ipinilit at minadaling pagbibigay prangkisa sa SBPC.

Facebook Comments