Manila, Philippines – Binigyan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 85 porsyentong grado sa nagdaang Metro Manila Shake Drill na paghahanda para sa The Big One.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia Well organized ang shake drill dahil alam ng mga tauhan ng MMDA ang kanilang trabaho at gagawin oras saka sakaling tumama ang malakas na lindol.
Ilan sa mga naging highlights ng shake drill ay kung paano pangasiwaan ng mga tauhan ng MMDA ang sitwasyon at kung paano rumesponde sa mga posibleng maging epekto ng lindol sa gitna ng malakas na ulan.
Gaya ng publiko, ang mga tauhan ng ahensya ay naabisuhan lamang noong mismong araw ng aktibidad.
Isang oras bago ang mismong drill, nagpadala ng alert messages at alarms sa kanilang mga subscribers ang mga telecommunication companies.
Ayon pa kay Garcia, isa sa mga naging improvement ngayong taon ay ang komunikasyon sa pagitan ng mga quadrants.
Ito ay dahil mayroon silang backup phones, bukod sa mga cellular phones ay meron din silang satellite phones sa kada quadrants.
Pumalo rin ng hanggang isang bilyong impressions sa social media ang Metro Manila Shake Drill na nag-umpisa noong Huwebes at natapos 1 ng hapon ng Biyernes – pagpapakita ng partisipasyon ng buong Metro Manila pagdating sa disaster preparedness.