Manila, Philippines – Napurnada ang sana ay supresang shake drill ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos mapaagaa ang pagpapadala ng text blast na magsisilbing hudyat nito.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, nawala ang elemento ng supresa sanang shake drill.
Aniya, limang minuto bago sana ang shake drill dapat ipapadala ng National Telecommunications Commission (NTC) ang text blast.
Ala-una ng hapon itinakda ng mmda ang drill at sa pagitan ng 12:30 hanggang 12:50 ng tanghali dapat ibibigay ng NTC ang alarma pero may mga nakatanggap na ng text blast ilang oras pa bago nito.
Dahil hindi sabay-sabay na natanggap ang alarma, may ilang naunang bumaba sa kani-kanilang mga gusali bago pa ang opisyal na hudyat.
Hindi gaya ng mga nakaraang drill, hindi inanunsiyo ng MMDA ang mismong petsa ng drill at dapat ay maaabisuhan lamang ang mga tao kapag natanggap ang text blast.
Gayunman, lumahok pa rin sa earthquake drill ang mga opisina ng gobyerno, pribadong kompanya at paaralan sa Metro Manila.
Layunin ng simulation na ihanda ang mga Pilipino sakaling magkaroon ng malakas na lindol.
Hinati ang Metro Manila sa apat na quadrant na magsisilbing staging point ng evacuation, rescue at iba pang emergency operation pagkatapos ng lindol: Villamor Air Base sa Timog, Veterans Hospital sa Hilaga, Intramuros sa Kanluran, at Santolan LRT Depot sa Silangan.