Napuna ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang proposed 2021 national budget ay hindi umaayon sa layunin ng Malakanyang na reset, rebound at recovery ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Giit ni Drilon, hindi prayoridad sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon ang pagtugon sa pandemya dahil sa halip na itaas ay binawasan pa ang pondong inilaan sa Department of Health na ₱136.6 billion.
Ayon kay Drilon, mas mataas pa dito ang ₱181 billion na budget na nakapaloob sa Bayanihan 1 at 2.
Diin ni Drilon, hindi rin sapat ang ₱18 billion na pambili ng COVID-19 vaccine kung saan ang ₱10 bilyon ay unprogrammed o ilusyon lamang.
Sa tingin ni Drilon, mas prayoridad sa 2021 budget ang seguridad at patunay nito ang paglalaan ng ₱19 billionsa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
“COVID-19 is first and foremost a health problem. It is therefore surprising that our spending priorities and policies are not tilted towards health. The Department of Health budget is ₱136.6 billion – lower than the ₱181 billion combined allocations under the 2020 General Appropriations Act and the realignments from Bayanihan 1 and 2. We laud the committee’s efforts to augment the health budget, but we regret to say that it remains insufficient” – ani ni Drilon
Bilang tugon ay sinabi ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na bukas siya sa mungkahi at mga amyenda ni Drilon at ng iba pang senador para sa panukalang 2021 budget.
Ipinaliwanag din ni Angara na ang anti-insurgency fund ay hindi pang security budget kundi para sa social services dahil ang ₱16.4 billion nito ay para sa 822 barangay na nalinis na mula sa rebeldeng New People’s Army (NPA).