Cauayan City, Isabela- Nagsasagawa ngayon ng Drive-Thru Free COVID-19 testing ang lokal na pamahalaan ng Santiago bilang hakbang sa pagpigil na pagkalat ng virus.
Ayon kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer, bahagi pa rin ito ng unang pagsasagawa ng Aggressive Community Testing sa lungsod na magsimula noong lunes, Enero 25.
Ilan naman sa mga testing site ang ilang paaralan gaya ng Santiago North Central School maging ang Integrated Transport Terminal Complex (ITTC) , San Andres Community Center at Arcade 1 New Public Market.
Pagsisiguro naman ng City Health Office na walang dokumento ang kakailanganin sa mga nais magtungo at magpasailalim sa nasabing pagsusuri.
Una nang sumailalim ang ilang residente ng bayan ng Jones, San Isdro at Ifugao Province.
Sa pagkuha ng resulta, maaaring makita online gamit ang link na ibinigay sa mga pasyente.
Pakiusap lang ni Manalo na manatili muna sa kani-kanilang tahanan habang naghihintay ng resulta.
Kahapon naman, nakapagtala ng 11 na dagdag na kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang lungsod matapos ang isinagawang Aggressive Community Testing.