Driver at may-ari ng SUV na umararo sa 12 sasakyan sa Mandaluyong City, iimbestigahan ng LTO; lisensya ng drayber, suspendido

Nagpalabas na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari at drayber ng SUV na umararo sa labing-dalawang sasakyan sa One San Miguel Avenue, Barangay Wack Wack, Mandaluyong City.

Ipinapatawag ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang ang may-ari ng SUV gayundin ang dalawang sinasabing drayber sa darating na January 16, bandang alas-dos ng hapon.

Pinagpaliwanag ng LTO ang mga ito kung bakit hindi sila dapat na madiin sa kasong reckless driving at kung bakit hindi kailangang mabawi ang driver’s license ng mga ito bunsod ng pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.


Kasabay nito, iniutos na rin ng IID ang suspensyon ng 90-araw at pagsusuko ng lisensya ng dalawang drayber upang hindi makapagmaneho ang mga ito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Magugunita na labing-tatlong tao ang nasugatan sa naturang aksidente.

Facebook Comments