Napag-alaman ng Manila Police District (MPD) na carnapped ang kotseng kinuyog ng mga residente matapos umararo ng tinatayang 10 sasakyan nitong Lunes.
Matatandaang nakuhanan sa video ang pambabato at paghabol ng mga residente rito matapos nitong banggain ang ilang mga sasakyan at motor na nakaparada iskinita malapit sa J.P. Laurel Street sa Maynila.
Matapos makabangga ng mga sasakyan at dalawang indibidwal, inabandona ng driver na lalaki ang sedan malapit sa Mabini Bridge. habang sumuko naman sa mga pulis ang isa pang sakay na babae nito.
Lumabas sa imbestigasyon ng MPD na ang berdeng sasakyan na may plakang UKE-459 ay pagmamay-ari ni Dra. Laarni Roque, na minamaneho ng kapatid nitong si Lurence Fajardo, 44, isa sa mga nawawalang Grab driver mula pa noong nakaraang buwan.
Ayon din sa mga pulis, isang pasahero ang nag-book kay Fajardo at sa isa pang nawawalang driver.
Patuloy namang pinagtutugma ng MPD ang insidente sa Nagtahan at ng mga nawawalang Grab driver.
Samantala, nag-alok ng pabuyang P50,000 ang Grab sa makapagbibigay ng impormasyon sa dalawang nawawalang driver na hinihinalang dinukot.