Reina Mercedes, Isabela – Natimbog ang dating driver ng Reina Mercedes Municipal Government matapos na mahalughog ang kanyang kuwartong tinitirhan sa bisa ng search warrant na inihain ng mga elemento ng kapulisan ng Reina Mercedes, Isabela bandang alas otso ng umaga, Hulyo 8, 2017.
Ang suspek ay nakilalang si Ruel Agner y Andam, edad 42, ng Purok 2, Barangay Napaccu Grande, Reina Mercedes, Isabela. Dati nang drug surrenderee sa Oplan Tokhang at naging driver ng munisipyo sa ilalim ni Mayor Anthony Respicio.
Sa ikinasang paghahain ng search warrant na ipinalabas ng Regional Trial Court ng Ilagan, Isabela ay nakuha mula sa inuupahang kuwarto ng suspek ang apat na sachet ng pinaghihinalaang shabu, sampung sachet na wala nang karga pero may latak pa ng pinaghihinalaang shabu, aluminum foil at iba pang drug paraphernalia.
Sa impormasyon na nakalap ng Cauayan City RMN News Team, mag iisang buwan nang pinaalis ni Mayor Respicio ang suspek. Napag alaman din na kasalukuyang nasa panglalawigang kulungan ang kapatid ng suspect na si Rodrigo Agner y Andam dahil din sa nauna nang drug buy bust operation ng PNP Reina Mercedes.
Ang paghahain ng search warrant ay pinangunahan mismo ni PSI Bruno Beran Pallatao, hepe ng naturang bayan at mga elemento ng PNP Reina Mercedes na sinaksihan ng mga barangay officials, media kasali na ang RMN News Team at ilang mga kapitbahay ng suspek.
Agad namang dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya at sasailalim ito sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa RA 9165.