Driver ng nasunog na kotse, inabswelto ng pamilya ng tatlong miyembro ng Air force

Nagpasyang hindi na sampahan pa ng kaso ng mga pamilya ng tatlong nasunog na miyembro ng Philippine Air Force ang driver ng kotse na bukod tanging nakaligtas sa aksidente nang banggain nito ang mga concrete barrier sa Edsa Quezon City at masunog ang kanilang sinasakyan noong Biyernes ng madaling araw sa Edsa South Bound Corner North Road Barangay Lipunan Crame Q.C.

Ayon kay Quezon City Police District Traffic Enforcement Unit Commander PLt. Col. Cipriano Galanida, hindi na umano kakasuhan ng mga magulang ng mga namatay na Airforce ang driver na si Airman 2nd Class Manuel Ognes.

Sakay ng Honda City ang mga miyembro ng PAF na sina Airman 1st Class Sabado Angelo, Airman 1st Class Aaron Tabarle at Airman 1st Class Kyle Justine Velasco nang salpukin ng saksakyan ang anim na concrete barrier at masunog.


Tanging si Ognes lamang ang nakalabas sa nasusunog na kotse at naiwanan ang tatlong Airforce sa loob ng sasakyan dahilan nang agaran nilang kamatayan.

Gayunman, bagamat hindi na kinasuhan ng mga magulang ng mga biktima si Ognes ng Homicide, nanatili pa rin itong nakapiit sa Traffic Sector 4 dahil sa kasong driving in the influence of liquor at damage to property dahil sa pagkawasak ng mga concrete barrier.

Lumalabas sa imbestigasyon ni Police Corporal Reggie Arevalo, galing umano sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kanilang batch ang mga biktima kabilang na si Ognes at papauwi na sana ang mga ito sa Villamor Air Base sa Pasay City nang maganap ang aksidente.

Facebook Comments