Patung-patong na kaso ang isinampa ng District Traffic Enforcement Unit, Sector 6 ng Quezon City Police District laban sa driver ng Mitsubishi Montero na umararo sa isang sangay ng Landbank of the Philippines sa EDSA, Munoz, Quezon City kahapon.
Kasong reckless imprudence resulting to damage to property at physical injury ang kinahaharap na kaso ni Dra. Ester Peralta, isang physician ng Manila Health Department.
Pasado alas-otso ng umaga kahapon nang maganap ang insidente.
Katatapos lamang umanong mag-withdraw ni Dra. Peralta sa Automatic Teller Machine (ATM) ng Landbank ng ito ay sumakay sa kanyang Mitsubishi Montero.
Iginiit ng driver na naka-park mode ang kambyo ng kanyang sasakyan nang bigla itong umarangkada at tinumbok ang banko.
Mechanical error o problema sa computer box ng Mitsubishi Montero ang itinuturo ng driver na dahilan ng nasabing aksidente.
Pero sabi ng imbestigador, posibleng human error din ang dahilan ng naturang pangyayari.
Nasugatan ang isa sa mga empleyado ng bangko na kinilalang si Aireen Marco, 44-anyos habang umabot sa 2.6 million pesos ang nasira sa loob ng Landbank.
Matatandaang noong 2015 hanggang 2016 ay sunud-sunod din ang insidente nang biglang pagtaas ng acceleration ng mga Mitsubishi Montero.