Naniniwala si Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr., na mahalaga ang drug education lalo na sa mga kabataan.
Ang pahayag ay ginawa ni General Danao matapos na maaresto kamakalawa sa joint operation ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang limang high value drug targets, kung saan kabilang ang tatlong menor de edad sa isang drug den sa General Santos City.
Sa nasabing operasyon, tatlong menor de edad mula 15 hanggang 16 ang dawit sa kalakaran ng iligal na droga.
Ayon kay Danao, nakakakalungkot dahil menor de edad pa lang ang tatlo pero sangkot na sila sa pangangalakal ng iligal na droga.
Kasunod nito, sinabi ng heneral na dapat magkaisa ang sambayanan na labanan ang iligal na droga para masiguro ang magandang kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Mahalaga aniyang masentro ang kanilang atensyon sa pag-aaral, paggawa ng mabuti at iba pang makabuluhang aktibidad upang hindi sila ma-hook sa paggamit ng drugs.