Manila, Philippines – Binigyan ng Korte Suprema ng 5 araw ang dalawang grupo ng media na nagko-cover sa hudikatura para bumuo ng guidelines o panuntunan.
Ito ay para gawing basehan sa news coverage sa paglilitis kay Senador Leila de Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court,
Ang hakbang ng Supreme Court ay alinsunod sa kahilingan ng online news site na Rappler na humihiling na payagang makapagcover sa paglilitis laban sa senadora.
Sa kasalukuyan kasi, mahigpit na ipinagbabawal ang media coverage sa pagdinig ng korte sa kasong droga laban kay de Lima.
Hindi muna magdedesisyon ang Supreme Court En banc sa hiling ng Rappler hanggang wala pa ang guidelines na binuo ng Juror o Justice Reporters Association at Jucra o Justice and Court Reporters Association.
Habang wala pang desisyon ang Korte Suprema, inatasan nito ang clerk of court ng Muntinlupa RTC na payagan ang hindi bababa sa 4 na mamamahayag na magcover sa paglilitis bastat walang camera at iba pang uri ng recording device.
Idadaan ang pagpili sa makakapasok na media para magcover sa pamamagitan ng draw lots.