Drug case ng anak ni Justice Sec. Remulla, non-bailable ayon sa prosekusyon

Kinumpirma ng prosekusyon na nakitaan nila ng probable cause o sapat na batayan para kasuhan ang anak ni Justice Sec. Crispin Remulla ng paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9162 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Si Juanito Jose Remulla III ay pormal nang sinampahan ng Las Piñas City Prosecutor’s Office sa Las Piñas RTC.

Ayon kay Atty. Jennah Marie Dela Cruz, Prosecution Attorney ng Las Piñas, pinag-aralan nilang mabuti ang mga inilatag na ebidensiya laban sa batang Remulla.


Kinumpirma rin ng prosekusyon na non-bailable ang isinampang kaso laban sa anak ng kalihim dahil sa dami ng mga nadiskubreng marijuana sa kanya.

Nakapaloob sa inquest resolution na base sa affidavit ng customs examiner, nadiskubre ang parcel na may marijuana.

Idineklara ang parcel bilang “Hoodie Sweater” mula sa Amerika at ipinadala ng isang Benjamin Huffman mula sa San Diego, California.

Naka-consigned ang parcel kay Juanito Remulla na may address sa BF Resort Village sa La Piñas City.

Binuksan ang parcel sa harap ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Ninoy Aquino International Airport – Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADTG) para examination kung saan nadiskubre ang pinatuyong dahon ng marijuana.

October 10, 2022 nang aprubahan ang request ng mga awtoridad ng controlled delivery operation.

Noong October 11, 2022 ganap na 10:50 ng umaga, inihatid sa bahay ni Remulla III ang parcel na tinanggap naman nito.

Dito na nagpakilalang PDEA ang mga operatiba na naghatid ng parcel kung saan inaresto si Remulla.

Facebook Comments