DRUG DEN SA NUEVA VIZCAYA, SINALAKAY; 5 KATAO, ARESTADO

Cauayan City – Nabuwag ang isang Drug Den sa lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos ang ginawang pagsalakay ng mga awtoridad nito lamang ika-12 ng Marso.

Ang nabanggit na Drug Den ay matatagpuan sa Brgy. Curifang, Solano, Nueva Vizcaya.

Ang operasyon ay isinagawa sa pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency Nueva Vizcaya Provincial Office, PDEA-CAR Kalinga Provincial Office, PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 2, Solano Police Station, at Philippine Drug Enforcement Unit – Nueva Vizcaya PPO.


Nakumpiska sa isinagawang operasyon ang 20 grams ng hinihinalang shabu na may market value na P136,000, 5ml ng hinihinalang Marijuana Oil na nakalagay sa vape cartridge, 4 na cellphone, drug paraphernalias, at buy-bust money.

Ang operasyon ay nagresulta rin sa pagkakadakip ng 5 katao na sina alyas “Rex”, 33-anyos, alyas “Orly”, 31-anyos, alyas “Dan” 19-anyos, alyas “Gian”, 28-anyos, at alyas “Rob”, 31-anyos, pawang mga residente ng Nueva Vizcaya.

Ang mga nadakip na suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments