Rosario, Cavite -Namigay ng stickers ang kapulisan ng Rosario, Cavite sa mga residente para maihiwalay ang mga ito sa mga posibleng sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Superintendent Michael Secillano, Deputy for Administration Ng Cavite Police, dinikitan nila ng sticker ang ilang bahay kung saan nakasaad ang salitang “drug-free,” o nangangahulugang walang nakatira sa bahay na iyon na may kinalaman sa droga.
Nilinaw naman ni Dinah Oquialda, barangay chairman ng Poblacion, na hindi ibig sabihing may drug personality ang isang bahay dahil lang wala itong sticker.
Bukod kasi sa mga bahay, dinikitan din ng sticker ang mga pedicab at tricycle ng mga tsuper na pumasa sa drug test.
Sinabi naman ni Commission on Human Rights (CHR) Spokesperson Atty. Jacqueline De Guia, bagaman nauunawaan nila ang hakbang ng pulisya, maaari itong magdulot ng diskriminasyon sa mga walang sticker.
Paalala pa ng CHR sa pulisya na respetuhin at protektahan ang dignidad ng bawat tao.