Drug Listed ng PDEA at PNP Ifugao, Natimbog sa Santiago City!

*Santiago City- Natigil na ang* modus operandi sa pagbebenta ng ipinagbabawal na droga ang isang lalaki na kabilang sa listahan ng PDEA at PNP Ifugao matapos mahuli sa isinagawang drug buybust operation ng mga otoridad sa Lungsod ng Santiago.

Nakilala ang suspek na si Albert Monsinag Chillon, 39 anyos, at residente ng Aguinaldo, Ifugao.

Unang isinagawa ang operasyon ng magkasanib na pangkat ng PDEA Region 2, PDEA Ifugao, Ifugao Intelligence Branch, Alfonso Lista Drug Enforcement Unit, at Station 1 ng Santiago City Police Office (SCPO).


Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa SCPO, si Chillon ay kabilang sa DI list ng PDEA maging sa listahan ng SCPO at sa PNP Ifugao dahil sa talamak na pagbebenta ng droga.

Una rito nakipag-ugnayan sa kanila ang PNP Ifugao makaraang mapag-alaman na nakatakdang magbenta sa Lungsod ng Santiago ang naturang suspek kung kaya’t agad na ikinasa ang operasyon.

Nagresulta ito sa pagkakahuli ng suspek at narekober sa kanyang pag-iingat ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ang limang daang piso bilang marked money na ginamit ng nagpanggap na poseur buyer.

Batay sa datos ng pulisya, kabilang si Chillon sa isang grupo ng magnanakaw na nambibiktima sa ilang establishimento sa Santiago City at sa Lalawigan ng Ifugao.

Pansamantalang nasa piitan ng pulisya ng SCPO si Chillon para harapin ang kasong isasampa laban sa kanya na may kinalaman sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments