Arestado ang isang hinihinalang tulak ng droga sa Antipolo na nagtangka pang tumakas sa pamamagitan ng pagdi-disguise.
Kinilala ang suspek na si Bryan de Paz na dinakip sa bisa ng search warrant sa kanilang bahay sa Barangay Dela Paz.
Ayon kay Antipolo Police Chief Lt. Col. Alvin Ruby Consolacion, nagsuot ng wig ang suspek sa pag-aakalang maiisihan niya ang mga pulis na naghahanap sa kanya.
“Nakita natin naka-wig siya para hindi makilala… tumakbo siya at umakyat sa bubong,” ani Consolacion.
Ayon pa sa police chief, nahirapan sila sa buy-bust dahil maingat ang suspek at hindi nagbibigay ng droga sa hindi niya kakilala.
Nasamsam mula sa suspek ang siyam na pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P204,000, drug paraphernalia, isang revolver, at mga bala.
Pinabulaanan naman ng suspek na nagsuot siya ng wig para tumakas at sinabing sadyang sinusuot niya iyon tuwing lumalabas.
“Ginagamit ko ‘pag umaalis ako. Sinusuot ko lang po,” sabi umano ng suspek.
Itinanggi niya rin na nagtutulak siya ng droga.