Manila, Philippines – Kinumpirma ni NCRPO Chief Police Director Oscar Albayalde na may mga natatanggap silang impormasyon na malakas na ulit ang loob ng mga drug pushers na lantarang magbenta ng illegal na droga.
Ayon kay Director Albayalde nagsimula ito nang bawiin mula sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang buwan ang pangunguna sa kampanya kontra droga.
Aniya, sa kalsada na nagbebenta ng shabu ang mga drug pushers at ipinagyayabang ng mga ito na hindi na sila maaring galawin ng mga pulis.
Aminado naman si Albayalde na tali ang kanilang mga kamay dahil ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na ang kumikilos kaugnay sa war on drugs ng duterte administration.
Tikom naman ang bibig nito kung napapanahon na bang ibalik mula sa pambansang pulisya ang pangunguna sa paglansag ng illegal na droga sa bansa.