Drug Surrenderer, Patay sa Riding-In-Tandem

Cauayan City, Isabela – Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem kahapon January 4, 2018 sa Brgy. Buena Suerte, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Jan Kristian Matias, 29 anyos, may asawa, tricycle driver, residente ng barangay Buena Suerte at kilalang drug surrenderer din sa kanilang lugar.

Batay sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, pasado alas 9 ng umaga habang binabaybay ng biktima ang barangay road ng nabanggit na lugar sakay ng kanyang Honda TMX tricycle, nang biglang dumating ang mga naka helmet na suspek sakay ng isang motorsiklo.


Ayon sa nakasaksi ng krimen, na ayaw magpabanggit ng pangalan sa takot na ring balikan ng mga suspek, makailang beses umanong pinaputukan ng mga suspek ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na siya ring naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 7 empty shells at isang slug ng 9mm caliber pistol.

Sa update na ibinigay ni PO3 Ryan Divina ng Investigation Section ng PNP Cauayan, kanyang sinabi na patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nasabing kaso makaraang hindi makapagbigay ng malinaw na detalye ang kuha ng CCTV Camera na malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Facebook Comments