Manila, Philippines – Magsasagawa ng dry run ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa huling linggo ng Marso bago tuluyang ipagbawal ang mga provincial bus sa EDSA.
Ayon kay MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago, kasama sa dry run ang information campaign para malaman ng mga pasahero kung saan na sila maaring sumakay.
Aniya, maghahanda rin sila ng maraming sasakyan dahil batid nilang maraming pasahero ang maninibago sa ipapatupad nilang bagong patakaran.
Simula sa Abril, ang mga pasahero na galing sa norte ay kailangan nang bumaba sa Valenzuela Integrated Bus Terminal.
Sa Valenzuela ay sasakay naman sila ng mga bus na patungo sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Ang mga manggagaling naman sa timog na bahagi ay bababa sa integrated terminal sa Sta. Rosa Laguna kung saan sila ay lilipat sa mga city buses.