Cauayan City, Isabela- Tiniyak ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 02 na mapupunta sa mga karapat dapat ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD Region 02, nakapagsumite na ang kanilang tanggapan ng MOA sa mga LGU’s upang maiayos at maisagawa na ang Social Amelioration Program.
Mabibigyan ng Social Amelioration Card Form ang bawat pamilya na pipirmahan lamang ng household head at hindi na kinakailangang lumabas pa ng bahay upang kumuha ng SAC Form dahil ibibigay na ito ng mga kawani ng DSWD sa mismong bahay.
Kung wala ang pinuno ng pamilya ay maaaring pirmahan ang form ng naiwang asawa.
Kabilang sa mabibigyan ng financial assistance ay ang isang pamilya na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s), senior citizen, PWD, mga buntis, mga inang nagpapabreastfeed ng sanggol na anak, solo parents, magsasaka, lumads at mga walang tirahan.
Ang mga nasa informal sector tulad ng kasambahay, PUV Drivers, Sari-sari-store owners, minimum wage workers at mga empleyadong ‘no-work, no-pay’ situation ay mabibigyan din ng tulong.
Pasok din dito ang mga barangay officials kung sila ay qualified sa pamilyang mahihirap.
Sakaling napirmahan at naisumite na ng kada household head ang SAC Form ay pipirmahan ito ng punong Barangay, ipapasa sa Local Social and Welfare Development para sa pagsusuri at isusumite sa tanggapan ng DSWD para sa ikalawang pagsusuri bago ipapasa sa Central Office.
Nilinaw ni Ginoong Trinidad na mayroon nang listahan ng mga mahihirap sa Rehiyon ang DSWD 2 ngayong taon at ikukumpara na lamang ito sa mga isinumiteng SAC forms kung sino talaga ang nararapat na mabigyan ng Php5,500.00.
Dagdag pa ni Trinidad, kung mabilis ang aksyon ng LGU ay mas mabilis din ang pagbibigay sa nasabing tulong.
Para sa mga may katanungan ay maaaring tumawag o magpadala ng menshae sa kanilang facebook account, at siguraduhin na kumpleto ang pangalan at detalye ng reklamo upang mas madaling maayos ang problema.