Ayon sa DSWD FO2, bagamat hindi inaasahan ang direktang pagtama ng Tropical Depression Gardo, patuloy ang paghahanda ng Kagawaran para siguraduhing sapat ang suplay ng Food at Non-Food Items upang tugunan ang pangangailangan ng mga lugar na maaring maapektuhan bunsod ng masamang panahon.
Sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment meeting ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction Management Council kaninang umaga, iprinisenta na ng DSWD FO2 ang kanilang preparedness plan kabilang ang status ng stockpile, prepositioned goods sa mga lokal na pamahalaan at mga aksyon na isinasagawa bilang paghahanda sa maaaring epekto ng bagyo.
Naka-preposition na Family Food Packs (FFPs) sa Batanes na posibleng maapektuhan ng nasabing bagyo.
Ayon sa DSWD, mayroong nang nakaimbak na 4,500 FFPs sa bayan ng Basco at 500 FFPs naman sa bayan ng Itbayat; habang may 500 FFPs at 400 Non-Food Items naman sa isla ng Calayan sa Cagayan.
Nakahanda na rin SWAD Teams, Provincial/City/Municipal Action Teams at Quick Response Teams ng ahensya para sa pagmomonitor ng sitwasyon sa iba’t ibang parte sa rehiyon, maging ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa weather update ng DOST-PAGASA kaninang alas 11:00 ngayon araw, Agosto 31, 2022, ang Tropical Depression Gardo ay kasalukuyang nasa layong 1,065 km East of Extreme Northern Luzon.
Ito ay nasa labas parin ng Philippine Area of Responsibility na may taglay itong 55 km/h hangin at lakas na 70 km/h. Lumikilos ito Northwestward sa bilis na 10 km/h.
Samantala, inaasahang hihigupin ni Super Typhoon Hinnamnor si TS Gardo at tuluyang magiging isa na lamang sa susunod na 24 oras at tatawaging #HenryPH pagpasok ng PAR.
Ayon sa PAGASA, ang pagsasanib ng dalawang sama ng panahon ay magreresulta sa paglakas ng Habagat na magdadala ng malakas na pagulan sa Northern Luzon at iba pang bahagi nito.
Bagamat hindi inaasahang tatama ang bagyo at walang direktang epekto sa bansa, pinapayuhan naman ang publiko na paghandaan ang Habagat na maaaring magdala ng ng malawakang mga pagbaha at mga pagguho ng lupa.