Isasagawa na sa pamamagitan ng QR code-based appointment ang pamamahagi ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) simula ngayong araw.
Tugon ito ng ahensya makaraang magkagulo kamakailan sa kanilang tanggapan sa Quezon City ang mga benepisyaryong kukuha sana ng medical assistance.
Sabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, kung 700 ang kayang iproseso sa isang araw ay magbibigay ang ahensya ng 700 QR stubs.
Pero kung may nakapila pa ay handa aniya silang magbigay ng karagdagang 700 stubs na i-i-schedule naman ang pagkuha ng ayuda sa susunod na araw.
Layon din nito na maiwasan ang insidente na pagbebenta ng appointment stub ng ilang pumipila para sa ibang benepisyaryo.
Kaugnay din nito, magtatayo ang DSWD ng clustered payout outlets sa Metro Manila sa loob ng 45 hanggang 60 araw upang hindi na dumayo ang benepisyaryo sa malayong lugar.