DSWD, handang mamahagi ng tulong sa mga LGU na naapektuhan ng Habagat at Bagyong Fabian

Handa na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpadala ng tulong sa mga local government unit (LGU) na naapektuhan ng Habagat at Bagyong Fabian.

Sa ulat ng DSWD Disaster Response Management Bureau, may inilaang P849.5 million standby funds ang DSWD Central Office at mga field office nito.

Bukod pa rito ang mga naka-preposition nang mga relief goods at iba pang food at non-food items.


Kaugnay nito, nagpaabot na ng ayuda ang DSWD sa Oriental Mindoro, gayundin ang mga concerned LGUs na nagbigay rin ng inisyal na tulong sa affected families sa Orion at Samal, Bataan; Castillejos, San Antonio, at Santa Cruz, Zambales; Batangas City, Batangas; Santa Cruz, Occidental Mindoro; La Trinidad, Benguet; at sa Balbalan, Kalinga.

Base sa huling ulat ng DSWD, may 4,585 pamilya o katumbas ng 19,444 indibidwal ang kasalukuyang nasa 126 evacuation centers sa Regions III, Calabarzon, MIMAROPA, National Capital Region (NCR) at Cordillera Administrative Region (CAR).

Facebook Comments