DSWD, hinihintay ang payo ng economic managers hinggil sa hindi nagamit na P10 billion SAP Funds

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa economic managers para matiyak na ang ₱10 billion na pondong hindi nagamit para sa Social Amelioration Program (SAP) ay wastong mailaan sa iba pang benepisyaryo.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, ang economic managers ang magpapasya sa pangunguna ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa kung ano ang gagawin sa mga hindi nagamit na pondo.

“Ang huling pagpapasya sa paggamit ng pondong ito ay nasa ating economic managers, kaya tuloy tuloy ang aming pakikipag-ugnayan sa kanila upang pagusapan kung saan pinaka magiging epektibo ang paggamit ng naturang pondo,” sabi ni Bautista.


Pagtitiyak ni Bautista na ang pondo ay mapupunta sa mga matinding naapektuhan ng krisis.

“Kaisa po kami ng mga mambabatas na ang pondo ay mapupunta sa mga lubos na maapektuhan ng krisis. Kami po sa ahensya ay nangangako na ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang magamit ang pondong binibibgay dito at maipamahagi sa mga kababayan natin na higit na ngangailangan,” ani Bautista.

Bago ito, hinihintay nila ang go signal mula sa economic managers bago ipatupad ang Livelihood Assistance Grant (LAG) program gamit ang natitirang pondo ng SAP.

Sa huling datos ng DSWD, aabot na sa ₱83 billion na halaga ng emergency cash subsidies ang naipamahagi na sa 13.9 million beneficiaries.

Facebook Comments