DSWD, iginiit na nagpapatuloy pa rin ang problema ng kahirapan sa bansa

“Totoo at nagpapatuloy ang problema sa kahirapan”

Ito ang iginiit ng Dapartment Of Social Welfare and Development (DSWD) kasunod ng pahayag ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na haka-haka lang umano ng ilang mga Pinoy ang paniniwala na naghihirap sila.

Sa isang press briefing, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na sinisikap pa rin ng pamahalaan na ibaba sa single digit ang antas ng kahirapan sa bansa.


“Kami sa DSWD, naniniwala kami na patuloy ang laban natin sa kahirapan. Kaya nga patuloy kaming humuhubog ng iba’t ibang programa para maibsan ang kahirapan ng ating taumbayan at tuluyang mawakasan.”

Samantala, sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Raymond Palatino na maraming porma ang kahirapan at hindi na kailangan ng ebidensya para mapatunayan ito.

Dagdag pa ni Palatino, pinatunayan lamang ni Secretary Gadon na hindi siya karapat-dapat sa posisyon na nakatutok mismo sa usapin ng kahirapan sa bansa.

“Hindi na kailangan ng kumplikadong paliwanag eh. Pumunta lang sa mga palengke, tingnan ‘yung mga bilihin doon, ikumpara doon sa minimum wage.”

“In the first place talagang questionable ‘yung appointment sa kanyan diyan. Baka pwedeng dahil sa kanyang pahayag pinatunayan niyang wala siyang alam doon sa kanyang ginagawa.”

Facebook Comments