DSWD, inalerto na ang regional directors sa mga lugar na dadaanan ng Bagyong Goring

Pinaghahanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga regional directors partikular sa Cagayan Valley, CALABARZON at Bicol dahil sa banta ng Bagyong Goring.

Kasama sa mga paghahanda na ito ay ang pag-iimbentaryo sa mga relief good na ide-deploy sa mga lugar na posibleng tamaan ng bagyo.

Inatasan na rin ng Disaster Response and Management Group (DRMG) ang mga regional director sa DSWD Bicol at Cagayan Valley na tiyaking may sapat silang suplay ng family food packs.


Pagtitiyak naman ng DSWD Field Office V, nakahanda na itong rumesponde sa mga maapektuhan kabilang ang mga residente ng Catanduanes Island.

Tiniyak rin ng DSWD Cagayan Valley na may mga naka-preposition na itong relief goods sa Isla ng Batanes at pati na sa Isla ng Calayan sa Cagayan.

Una nang ibinabala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang malalakas na pag-ulang dala ng Bagyong Goring na posibleng umabot sa typhoon category.

Facebook Comments