DSWD, ipatutupad ang mas mahigpit na mekanismo para sa anti-corruption

Mahigpit na mga mekanismo ang ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maiwasan ang korapsyon sa paghahatid ng serbisyo.

Ito ang iginiit ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa gitna ng mga imbestigasyon kaugnay ng flood control projects.

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na unahin ang serbisyo para sa mga mahihirap at vulnerable sector.

Kabilang sa mga paiigtinging hakbang ang direktang pagpadala ng cash aid sa mga digital wallet ng mga benepisyaryo, partikular sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), upang maiwasan ang lump sum distribution at potensyal na katiwalian.

Dumaraan din sa assessment ng mga social worker sa case management system ang bawat aplikasyon bago magbigay ng tulong, bilang mahalagang safety net laban sa iregularidad.

Dagdag pa rito, kabilang sa mga reporma ang automation process upang mabawasan ang human intervention at mapabilis ang paglalabas ng mga dokumento gaya ng Request for Legal Assistance (RLA) certification at Minor Travel Abroad (MTA) permits.

Suportado rin ng kagawaran ang Philippine Identification System (PhilSys) enrollment ng mga 4Ps beneficiary upang mapabilis ang validation at maiwasan ang ghost beneficiaries.

Facebook Comments