Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi na sila tumatanggap ng application para sa financial assistance sa mga mahihirap na estudyante sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na ito ay dahil sa kakulangan ng pondo para sa naturang tulong pinansyal.
Inihayag din ni Tulfo na nakatakdang kausapin niya ang mga kongresista para sa planong gawing kada distrito ang pamamahagi ng ayuda.
Samantala, wala rin umano bagong application para maging benepisyaryo sa tertiary education subsidy program.
Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera, sapat lamang para sa mga dating benepisyaryo ng naturang programa ang pondo ng kagawaran.
Bigo aniya silang makatiyak ng pondo sa ilalim ng 2023 national budget, kaya naman hindi matatanggap ng CHED ang hiling na tulong pinansyal ng mahigit 200,000 estudyante sa kolehiyo.
Paliwanag din ni De Vera na ang nasabing programa ay para sa mga estudyante na naka-enroll sa mga pribadong paaralan sa mga lugar na walang state o local university at mula sa pamilya mula sa Conditional Cash Transfer (CCT) program.