DSWD, magkakaloob ng burial, medical assistance sa mga naapektuhan ni ‘Usman’ sa Bicol

Makatatanggap ng burial at medical assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga residente na biktima ng landslide at mga pagbaha dulot ng bagyong Usman.

Ayon kay DSWD spokesperson, Assistant Secretary Glenda Relova, kinukumpleto ng kanilang mga field office sa Region 5 ang dokumentasyon para pabilisin ang proseso ng pagkakaloob ng burial and medical assistance sa mga apektadong pamilya.

Nagpapatuloy naman ang ibinibigay na psycho-social interventions ng mga social workers sa mga residente sa mga evacuation centers.


Batay sa datos ng DSWD Disaster Response Management Bureau, nasa 12,990 na pamilya pa rin o katumbas ng 57,351 na katao ang nanatili sa may 117 evacuation centers sa Calabarzon, Mimaropa, Region 5, at 8.

Nagpadala pa ng dagdag na food and non-food items ang ahensya sa mga nabanggit na lugar.

Tumulong na rin ngayon ang Philippine Air Force (PAF) sa paghahatid ng relief assistance sa mga isolated areas.

Facebook Comments